bopis

sábado, febrero 09, 2008

 

Kambal Cliche

Gabi na naman ng mga librarian. Itinakda ng punong librarian na kumuha kami ng cliche ng pag-ibig at paglaruan ito, baka sakaling maging tula. Kaya ayun, napabaka-sakali tuloy nang di oras.

Sana dalawa

Sana dalawa ang puso ko
Para dalawa silang iibig sa iyo

Hindi ko alam kung nagustuhan nila iyon. Malamang hindi kasi hindi pa ako humihingi ng permiso, piunayagan na nila akong maghanap ng isa pang cliche. Hindi ko rin alam kung nagustuhan nila ang kinalabasan ng ikalawang pagpili kasi umalis ako agad pagkatapos bigkasin ang tula.

Isang Salita

sinabi mo na
kaya’t sabihin mo pa
pabulong at paihip at palagi
na ibibigay mo ang lahat

halimbawa
ang inipit mong pilik-mata
ang nilunok mong dighay halimbawa
ang iyong mga kinupkop
mula sa paghihinuko
ang hindi mo maisuko
sa regla bilang halimbawa

ipagpalagay na nating lahat
at ibulong mo pang “ibibigay”

halimbawa
maliban sa buwan at suntok
maliban sa tala at tadhana
maliban sa daigdig at ikot

bukod pa sa hangin
dahil aking tatanggapin

kada alikabok na ipit
sa kada kulubot ng iyong siko
isa-isa sa sari-saring lansa ng iyong pawis
kada patak
ng iyong hindi pa yumayaong kandila

hanggang magpantay-pantay
ang bawat titik sa nag-iisang tunog
ang la
at ha
at hat

hanggang magniig patungong tuldok
at mahalo sa paglaho
ang kumpleto mong handog

hanggang wala nang “ni isa”
at walang matira
at wala ka na

maliban sa palagi at palaging iihip
na hindi mo ako mahal
at hindi mo ako kailanmang minahal


Comments:
astig :)..
 
Publicar un comentario

<< Home

Archives

julio 2005   noviembre 2005   mayo 2006   diciembre 2006   enero 2007   febrero 2007   marzo 2007   abril 2007   mayo 2007   junio 2007   julio 2007   septiembre 2007   octubre 2007   noviembre 2007   diciembre 2007   enero 2008   febrero 2008   marzo 2008   abril 2008   mayo 2008   junio 2008   julio 2008   agosto 2008   noviembre 2010  

This page is powered by Blogger. Isn't yours?